-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hinamon ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) ang Pangulong Rodrigo Duterte na huwag maging duwag at iwasang magtatago sa Kongreso upang ipagkait ang franchise renewal para sa pinakamalaking television network na ABS-CBN sa bansa.

Ito ay matapos nanatili na matigas ang paninindigan ni Duterte na hindi na bigyang pagkakataon ang TV network na mabigyan pa ng prangkisa kung tuluyan nang mag-expire sa darating na Marso 2020.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni NUJP President Nonoy Espina na kung dapat alalahanin rin ng pangulo na hindi nito trabaho ang pagbigay prangkisa sa isang kompanya ng komunikasyon subalit nagmula ito sa Kongreso.

Inihayag ni Espina na kung sakaling matigil ng tuluyan ang operasyon ng ABS-CBN, kabilang na dapat masisi ng publiko ang Kongreso.

Ito ay dahil nagpapagamit sila at nagpapadikta sa kagustuhan ng pangulo kahit malinawag ito na malaking paglabag sa batas.

Sinusuportahan din ng NUJP ang hakbang ni Cagayan de Oro 2nd District Rep Rufus Rodriguez na dapat agad pulungin ng kinaukulang komite ng Kamara ang mga miyembro nito para maihabol ang pagtalakay sa hiningi na franchise renewal sa nabanggit na TV network na maraming mga empleyado sa bansa at maging sa international correspondents sa ilang bahagi ng mundo.