-- Advertisements --

Nagpahayag ng pakikiisa si Pangulong Rodrigo Duterte sa taongbayan kaugnay sa pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangulong Duterte, 121 taon na ang nakakaraan mula nang ialay ng ating mga ninuno ang kanilang kinabukasan, buhay at kayamanan sa ngalan ng kalayaan ng bansa.

Ayon kay Pangulong Duterte, ito ang pinakaimportanteng araw sa kasaysayan ng bansa dahil hindi lang natigil ang matagal nang pananakop sa bansa, kundi naging simula rin ito sa pagtahak ng Pilipinas sa sarili nitong direksyon.

Pero inihayag ni Pangulong Duterte na malaki ang naging kabayaran para sa pagtamasa ng kalayaang ito.

Ang kalayaang ito aniya ay bunga ng dugo at sakripisyo ng mga bayani, mga martir at iba pang Pilipinong nagmamahal sa bayan.

Kasabay nito, hinikayat ng pangulo ang lahat ng Pilipino na makiisa para tiyaking hindi masasayang ang sakripisyo ng mga ninuno natin at makamit ang pangarap nilang makapamuhay ang lahat ng Pilipino na malaya at masagana.

Samantala, inaasahan ang pagdalo ni Pangulong Duterte sa programa sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan mamayang hapon sa 6th Infrantry Battalion Headquarters sa Barangay Matling, Malabang Lanao del Sur.

Hindi naman nagbigay ng paliwanag ang Malacañang kung bakit doon napili ng pangulo na magdaos ng Independence Day at abangan na lang daw ang magiging talumpati nito.