-- Advertisements --
DA swine pigs ASF butchery
Photo courtesy from Department of Agriculture

Tiniyak ngayon ng Cebu City Department of Veterinary Medicine and Fisheries (DVMF) na sapat pa ang suplay ng karne hanggang Disyembre ngayong taon sa kabila ng pagbabawal kamakailan sa pagpasok ng mga live hogs at iba pang produktong baboy mula sa Iloilo at isla ng Panay dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF).

Nauna nang ipinag-utos ni Mayor Mike Rama na i-adopt ang Executive Order (EO) No. 42 ni Governor Gwen Garcia na ipinagbabawal na makapasok sa isla ang mga live hogs, pork, at pork products mula sa Iloilo City at isla ng Panay.

Inihayag ni Dr. Jessica Maribojoc,OIC ng DVMF, mahigpit ang kanilang ginagawang border kontrol upang maprotektahan ang hog industry dito at maiwasang makapasok ang ASF sa isla ng Cebu.

Dagdag pa ng City veterinarian na maswerte pa umanong maraming mga commercial farms dito kaya masasabing sapat pa ang supply ng baboy.

Gayunpaman, sinabi nito na sakaling makapasok na ang nasabing sakit sa rehiyon ay maaapektuhan dito ang mga backyard breeders.

Sa kasalukuyan, ang Central Visayas ang natitirang rehiyon sa bansa na walang naiulat na kaso ng ASF.

Malaki naman ang pasalamat ni Maribojoc sa Regional Quarantine Service sa mga inilagay na checkpoints sa mga daungan at iba pang lugar upang masubaybayan ang pagpasok ng mga karne.

Pinayuhan din nito ang publiko na suriin ang meat inspection certificate ng mga supplier upang matiyak na ligtas na kainin ang karne.