Nagpamalas nang kanyang vintage performance si Dwyane Wade sa pamamagitan ng 28 big points upang wakasan ang 17-game winning streak ng Sixers at itabla rin ng Miami Heat ang serye sa tig-isang panalo.
Nakabangon ang Heat sa unang pagkatalo upang bumawi sa 113-103 Game 2 win sa Philadelphia sa nagpapatuloy na first-round NBA playoff series.
Kahit wala pa rin ang kanilang injured All-Star center na si Joel Embiid sa ika-10th sunod na game, muntik pang makadalawa ng panalo ang Sixers para sana sa epic comeback.
Ito ay makaraang mag-rally ang team mula sa 16 points hanggang two points na lamang sa fourth quarter.
Gayunman muling namayani ang init ni Wade matapos na maipasok ang dalawang mahahalagang tira sa huling sandali ng laro.
Sa second quarter pa lamang ay nagpakitang gilas na ang 36-anyos nang maipasok niya ang 15.
Malaking tulong din sa panalo ng Miami ang nagawa ni Goran Dragic na may 20 points at James Johnson na nagbuslo ng 18.
Sa panig ng Sixers nasayang ang 24 points ni Ben Simmons at si Dario Saric na may 23 puntos.
Ang game three ay gagawin na sa teritoryo ng Heat sa Huwebes.
Una nang natikman ngayon ng Sixers ang pagkatalo mula noong March 13 nang masilat naman sila ng Indiana.
Umabot pa ng 16 straight wins ang naitala ng 76ers sa pagtatapos ng regular season kasama na ang first game sa playoffs.