Pormal nang lumagda ng kontrata sa Los Angeles Lakers ang nagbabalik na si Dwight Howard matapos na maayos na nito ang kanyang mga waivers.
Ito ang kinumpirma ni Lakers general manager Rob Pelinka sa isang pahayag.
Kasabay nito, binitawan ng Lakers si forward Aric Holman, na rookie mula sa Mississippi State na pumirma ng kontrata noong Hulyo.
Una nang napabalitang pumayag si Howard na isuko ang $2.6-milyon sa kanyang siguradong $5.6-milyong sahod upang makakuha ng buyout sa kanyang kontrata sa Memphis Grizzlies.
Inaasahang pupunan ng eight-time All-Star ang puwang na binakante ni DeMarcus Cousins makaraang mapunit ang kanyang ACL sa isang ensayo sa Las Vegas.
Si Howard ay may career averages na 17.4 points at 12.6 rebounds sa 1,044 games sa loob ng 15 seasons.