Tinalo ng Terrafirma Dyip ang TNT Tropang Giga 117-108 sa kanilang paghaharap sa PBA 49th Season Commissioner’s Cup na ginanap sa Ynares Center, Antipolo City.
Bumida sa panalo ng Dyip si Mark Nonoy na nagtala ng 33 points para makuha nila ang unang panalo sa loob ng 12 laro.
Mayroon na ring anim na panalo at tatlong talo na ang TNT na siyang nasa pang-limang puwesto na.
Ito na rin ang pangalawang beses na tinalo ng Terrafirma ang TNT na ang una ay noong Setyembre 19 sa Governor’s Cup.
Mayroon namang 19 points, 12 rebounds at anim na assists si Brandon Edwards habang mayroong 16 points si Louie Sangalang para sa Dyip.
Labis naman na nagpasalamat si Nonoy dahil sa nakaharap niya ang kaniyang idolo na si Jayson Castro.
Mula sa simula ay hawak ng Dyip ang kalamangan kung saan umabot sa 11 points ang kalamangan nila sa pagtatapos ng first half.
Nasayang ang nagawang 41 points ni Rondae Hollis-Jefferson at 17 points ni Calvin Oftana para sa TNT.