Malapit nang magkaroon ng sariling kawanihan ang Department of Trade and Industry (DTI) na mag-aasikaso sa mga technological requirements para sa pag-uugnay sa lahat ng ahensya kapag nagsimula na ang digitalization efforts ng gobyerno.
Sinabi ni Speaker Martin Romualdez na ang House of Representatives ay makikipagtulungan sa panukalang inaprubahan ng Senado, tulad ng Internet Transactions/Electronic Commerce (E-Commerce) Bill, para sa “mabilis na pagsasabatas” ng naturang mga panukalang batas upang makamit ang full digitalization.
Aniya, isang “Electronic Commerce Bureau” ang bubuuin sa ilalim ng DTI para ipatupad ang iminungkahing batas, na ilalapat sa lahat ng internet transactions at sa lahat ng domestic merchant at foreign entities na gumagawa ng online business sa Pilipinas.
Nangako ang House leader na makipagtulungan sa kanilang mga Senate counterparts sa pagkakaroon ng mga batas na ito na maaprubahan sa parehong chambers.
Ipinangako rin nito na ipasa ang mga nakabinbing hakbang sa Kamara na magbibigay daan para sa digital transformation ng bansa.