Nananatiling walang bahid ng pagkabigo ang Pilipinas sa FIBA Esports Open 2020 matapos ang muli nilang pagdomina sa Indonesia sa ikalawang araw ng torneyo.
Hindi kailanman nilingon ng E-Gilas ang kanilang kalaban sa first game, dahilan para matapos ang bakbakan sa 66-34 pabor sa mga Pinoy.
Pinilit namang makabawi ng Indonesians sa second game kung saan nakalapit ang mga ito sa 18-17 sa 4:00 marka ng second quarter.
Gayunman, bumangon ang E-Gilas at tinapos ang second half sa 36-25, at tinapos ang laban sa 79-44, para sa kanilang ikaapat na sunod na panalo.
“We just prepared for things we can control like our mechanics, team work,” wika ni Philippe “Izzo” Herrero IV sa isang interview matapos ang kanilang first game. “From the results, I think it’s quite successful.”
Target naman ng Pilipinas na mawalis ang Indonesia sa pagsasara ng serye bukas ng alas-6:45 ng gabi.
“We’re planning on winning the five game series so it’s not yet over. We’re not being complacent,” ani Izzo.
Ang Philippine team ay binubuo nina Izzo, Rocky Braña, Clark Banzon, Al Timajo, Aljon Cruzin, Rial Polog Jr., at Custer Galas.