MANILA – Naglunsad ng libreng teleconsultation platform ang Office of the Vice President (OVP) para makatulong sa mga nangangailangan ng atensyong medikal, partikular na ng konsultasyon mula sa doktor.
Tinawag na “E-Konsluta” ang inisyatibo, na maaaring ma-access sa pamamagitan ng Facebook at Messanger.
Katuwang ng tanggapan ni Vice President Leni Robredo ang ilang doktor at healthcare professional na magsasagawa ng teleconsultation.
Bago nito dadaan sa screening process ng mga volunteers ang isang pasyente bago i-refer sa doktor na magte-teleconsult.
“Ito pong ginagawa natin, attempt po ito na kahit paano makatulong tayo maka-decongest ng mga hospitals,” ani VP Leni Robredo.
“Na iyong mga pasyente, whether COVID or non-COVID, na hindi naman kailangang ma-hospitalize, at least kahit nasa bahay lang sila, mayroon silang medical help na matatanggap,” dagdag ng bise presidente.
Sa ngayon, ipinapatupad pa lang sa mga lugar na sakop ng NCR Plus bubble ang E-Konsulta. Maging sa ibang lugar na naka-enhanced community quarantine.
[A] Inilulunsad ngayong araw ng OVP, sa tulong ng ating volunteer doctors at health professionals, ang Bayanihan…
Posted by Bayanihan E-Konsulta on Tuesday, April 6, 2021
Ayon sa OVP, bukod sa teleconsultation, may serbisyo rin daw ang bagong platform para sa mga mangangailangan ng impormasyon sa testing, quarantine, at iba pa.
“Marami na po kaming programang nai-rollout, pero palagay namin kulang na kulang pa, considering na kapag nagbukas ka nga ng social media, sabi nga ng iba parang obituary. Maraming namamatay—at iyong mga namamatay, kakilala na natin: mga kaibigan, kamag-anak, kamag-anak ng mga kaibigan—na hindi puwedeng wala kaming gawin.”
Ayon sa OVP, agad nilang ie-endorso sa One Hospital Command ng Department of Health ang mga indibidwal na mangangailangan ng agarang hospitalization.
Sa isang online post, sinabi ni Robredo na umabot na sa 2,300 volunteers ang nagpahiwatig na tutulong sa inisyatibo.
24 hours after we posted our call for medical and non medical volunteers, more than 2,300 volunteers signed up already!! We are overwhelmed and inspired by everyone’s kindness and desire to help.
— Leni Robredo (@lenirobredo) April 7, 2021
We are temporarily closing sign-ups as we bring everyone on board for our rollout.
“We are overwhelmed and inspired by everyone’s kindness and desire to help. We are temporarily closing sign-ups as we bring everyone on board for our rollout.”
Kamakailan nang ilunsad din ng OVP ang SWAB CAB, na isang mobile antigen testing program.
Ilang programa na rin ang sinimulan ng tanggapan ni Robredo, kasama ang private sector mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic.
Tulad ng “Bayanihan E-Skwela” para sa mga mag-aaral at guro; “Bayanihanapbuhay” para sa mga naghahanap ng trabaho; at “Iskaparate.com” para sa mga maliliit na negosyo.
Bukod pa ito sa pamamahagi ng personal protective equipment, test kits, at medical supplies sa mga healthcare workers.
Gayundin ang libreng dormitoryo at transportasyon noong ECQ nang nakaraang taon.