Nagbukas ang Bureau of fire Protection (BFP) ng isang portal na tatanggap ng mga reklamo mula sa mga karaniwang mamamayan.
Layunin nitong mabilis na matugunan ang mga sumbong ng mga mamamayan.
Ayon kay BFP Officer-in-charge F/C/Supt. Jesus Fernandez, sa pamamagitan ng kanilang portal ay maaaring ipadala ang mga reklamo laban sa mga tiwali nilang kawani.
Bahagi aniya ito ng kanilang internal cleansing upang matiyak na nagagampanan ng BFP ang mandato na magsilbi sa mga mamamayan.
Sa paraang ito, kahit ang mga impormasyon mula sa malalayong lugar ay mabilis nang makakarating sa kinauukulan.
Tinitiyak naman ni Fernandez na mananatiling confidential ang pagkakakilanlan ng mga nagrereklamo.
Maingat din umano nilang sisiyasatin ang mga sumbong upang mapanagot ang mga tiwali habang tutugunan naman ang mungkahi para sa ikabubuti ng ahensya.