KALIBO, Aklan—Pinataob ng malakas na hangin ang tatlong electric tricycle, nasira ang pantalan at nalubog sa baha ang unang palapag ng isang mall sa isla ng Boracay dahil sa bagsik ng Bagyong Kristine.
Ayon kay Malay sangguniang bayan member Alan Palma Sr., nagkaroon ng pinsala ang behikulo gayundin ang caticlan jetty port holding area dahil sa ipu-ipo na tumama sa kalupaan ng mainland Malay at isla ng Boracay
Maliban dito, ilang kabahayan rin ang naitala na nasira, nabuwal na mga punong kahoy at nagliparan na mga gamit dahil sa biglaang paglakas ng hangin.
Ngunit sa kabila nito, may mangilan-ngilan pa rin naman na mga turista na pumunta sa baybayin kahit na ipinagbawal muna ang paliligo sa dagat dahil sa malalakas na mga alon at may ilang negosyo rin ang nagsara.
Samantala, masobra sa isang libong pasahero ang naitala na stranded sa Caticlan port papuntang Occidental Mindoro, Batangas at Romblon ang inayudahan ng Municipal Social Welfare Development Office at Philippine Coast Guard Caticlan na kalaunan ay pinayagan na rin ang mga byahe ng roll-on, roll-off o RoRo Vessel.
Sa kasalukuyan ay nananatiling nakaantabay at nakaalerto ang Philippine Coast Guard, Local Disaster Risk Reduction Management Office, Local Government Unit of Malay at Philippine National Police Maritime Group upang masiguro ang kaligtasan ng lahat lalo na’t patuloy ang pabugso-bugsong hangin at mga pag-ulan sa lalawigan ng Aklan.