TACLOBAN CITY – Aabot na sa anim na indibidwal ang nasugatan matapos ang 6.5 magnitude na lindol kahapon na sumentro sa San Julian, Eastern Samar.
Ayon kay Henry Anthony Torres, regional director ng Office of Civil Defense (OCD) Regional Office 8, dalawa ang naitalang injured sa Northern Samar.
Isa na rito ang babaeng tumalon mula sa ikalawang palapag ng bahay nito dahil sa sobrang takot at pagkabahala, habang isa rin ang sugatan sa naturang probinsya matapos na mahulugan ng mabigat na bagay.
Sa parte naman ng Catbalogan City, Samar, isang senior citizen ang sugatan habang papalabas ito ng kanilang bahay at dalawang senior citizen din ang sugatan sa Can-avid Eastern Samar.
Sa Taft, Eastern Samar naman, patuloy na ginagamot ang isang bata na nahulugan ng hollowblocks.
Sa ngayon ay patuloy pa ang assessment ng OCD-8 hinggil sa kabuuang danyos na naidulot ng lindol sa buong Eastern Visayas.
Samantala, suspendido pa rin ang pasok sa lahat ng lebel sa buong Lungsod ng Tacloban.
Nabatid na ilang kabahayan, paaralan, ospital at mga establishment sa Samar at Leyte ang naitalang partially damaged dahil sa lindol.