-- Advertisements --

Magsisimula na ang early registration sa mga pampublikong elementarya at sekondarya para sa susunod na school year sa araw ng Biyernes, Marso 25 hanggang Abril 30.

Base sa memorandum na nilagdaan ni Education Secretary Leonor Briones, maaari ng mag-preregister ang lahat ng incoming Kindergarten, Grade 1, 7 at 11 mag-aaral sa lahat ng public elementary at secondary school bilang paghahanda sa susunod na school year.

Ayon sa ahensiya, ang mga mag-aaral sa Grade 2 hanggang 6,8 hanggang grade 10 at 12 ay maituturing ng pre-registered at hindi na kailangang mag-participate sa early registration.

Papayagan naman na ang in-person registration ng mga magulang at guardians para sa kanilang mga anak sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert level 1 at 2 subalit kailangan pa rin na maobserbahan ang mga health protocols.

Sa mga lugar naman na nasa striktong alert level 4 at 5 naman, ang registration ay dapat na sa pamamagitan ng text messaging at social media platforms.

Samantala, hinihikayat naman ang mga private schools na magsagawa ng early registration activities sa parehong panuntunan.

Magtatapos ang kasalukuyang school year sa June 24.

Hindi pa naglalabas sa ngayon ang DepEd sa petsa ng simula ng SY 2022-2023.

Sa kasalukuyang school year nasa mahigit 27.2 million magaaral ang nag-enroll sa basic education.