KALIBO, Aklan—Nakatala ang Department of Education (DepEd) Region 6 ng 312,103 learners sa Western Visayas sa ginanap na early registration para sa school year 2023-2024 kung saan, pormal na itong nagtapos kahapon, Hunyo 9, 2023.
Ayon kay DepEd Western Visayas information officer Hernani Escullar Jr., na ang nasabing bilang ay posible pang tumaas sa susunod na mga araw sa oras na ma-encode ng ilang paaralan ang kanilang record lalo na sa mga liblib na lugar na mahirap ang internet connection.
Kinabibilangan ang mga early registrants na papasok sa Kindergarten; Grade 1; Grade 7; at Grade 11.
Sa lalawigan ng Aklan ay 20,660 ang nakibahagi sa early registration.
Dagdag pa ni Escullar na magsisilbi itong batayan sa pag-plano at paghahanda lalo na ng mga classrooms, student-teacher ratio, number ng modules at learning materials gayundin iba pang resources para sa susunod na school year.
Samantala, ang nasabing bilang ay mababa kung ihalintulad sa 360,571 o 86.56% na mga early registrants noong nakaraang school year.
Ang school year 2023-2024 ay magsisimula sa Agosto 28, 2023 at magtatapos sa June 28, 2024.