Matapos ang limang taong pahinga, isasagawa ang Earth Hour Solidarity Bike Ride mamayang hapon, Marso 22, upang isulong ang isang kapaligirang walang barrier, kaligtasan sa kalsada, at mga bike lane.
Inaasahang magsisimulang magtipon ang mga kalahok sa ganap na alas-3 ng hapon sa Mandaue City Hall Grounds kung saan opisyal na sisimulan ang bike ride sa alas-5 ng hapon.
Kabilang sa rutang daanan ay ang North Reclamation Area patungong Osmeña Boulevard at hihinto sa Fuente Osmeña Circle para sa isang maikling programa para sa Earth Hour bago bumalik sa lungsod ng Mandaue para tapusin ang bike ride.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay JP Maunes, founder ng Philippine Accessible Disability Services, ibinahagi nito na ang kaganapan ay naglalayong itaas ang kamalayan para sa mga mahahalagang layuning ito.
Sinabi pa ni Maunes na itatampok din ang paglulunsad ng PADS Paracycling Program ng Philippine Accessible Disability Services.
Ang inisyatibong ito ay naglalayong isulong ang accessible bike lanes para sa mga taong may kapansanan.
Bilang karagdagan sa pagpapataas ng kamalayan para sa mga isyu sa kapaligiran at accessibility, may matatanggap naman na special awards ang mga kalahok kabilang ang Best Biker Costume, Most Unique Bike, Youngest Biker, Oldest Biker, Largest Biking Delegation, at Biggest Biking Family.