Binalot ng kontrobersiya ang punong barangay ng East Rembo na si Thelma Ramirez matapos siyang suspendihin sa kasong iniharap laban sa kanya na grave misconduct, oppression, commission of an offense involving moral turpitude, at abuse of authority.
Sa bisa ng Resolution No. 502 na ipinasa ng Sangguniang Panlunsod ng Taguig noong Hunyo 25, 2024, ipinataw kay Ramirez ang 60-araw na preventive suspension simula Agosto 1, 2024 hanggang Setyembre 29, 2024. Ang kaso ay nagmula sa reklamo nina King Kristoff V. Marin, Rino Marin, David Abraham Medina, Loma Riva, Anet Medina, Serafin Wilfredo Medina, at Ainnah Medina.
Kitang-kita sa mga video mula sa mga complainant ang pagmumura, paninigaw, pananakit, at pananakot na sinapit nila mula sa Kapitana at sa kanyang pamilya.
“Abusado talaga si Kap!” Iyan ang sigaw ng mga biktima, na kabilang pa ang ilang menor de edad.
Inirekomenda ang suspensyon ni Ramirez upang maiwasan ang posibilidad na maimpluwensiyahan o matakot ang mga testigo at upang mapanatili ang integridad ng mga ebidensya.
Ayon sa mga tagapagtaguyod ng resolusyon, may mga batayan para sa preventive suspension base sa nakalap na ebidensya.
Umaasa naman ang ilang residente ng East Rembo sa suspensyon ng kapitana ay mabibigyan ng hustisya ang mga nabiktima.