COLOMBO – Bakas pa rin ang trauma o labis na pagkatakot ng ilang mga nakaligtas sa serye ng pagsabog sa Sri Lanka kasabay ng Easter Sunday.
Tulad na lamang ng Australian tourist na kinilala lamang sa pangalang Sam, na nagbi-breakfast daw sa Shangri-La hotel kasama ang partner nang magimbal sa dalawang pagsabog.
Ayon kay alyas Sam, nakita nito ang dalawang lalaki na nakasuot ng backpack ilang segundo lamang bago ang mga pagsabog.
Kuwento naman ng survivor na si NA Sumanapala sa pinasabog na St. Anthony’s church, nagpasaklolo siya ngunit tumambad sa kanya ang mismong pari na duguan.
“I ran inside to help. The priest came out and he was covered in blood. It was a river of blood,” saad nito.
Ayon naman sa manager ng Cinnamon Grand malapit sa official residence ng prime minister sa kabisera na Colombo, isang suicide bomber ang biglang sumulpot sa restaurant ng kanilang hotel.
“He came up to the top of the queue and set off the blast.”
Sa ngayon ay halos 300 na ang bilang ng mga namatay, 500 ang sugatan, at mahigit 20 na ang naaresto ng mga otoridad.
Samantala, maliban sa karamihang Sri Lankan nationals, kumpirmadong patay din ang tatlong anak ng Danish billionaire na si Anders Holch Povlsen ayon sa kanilang family spokesman.
Pag-aari ni Povlsen ang bestseller clothing chain at hawak ang majority stake sa clothing giant na Asos.
Kabilang din sa mga nasawi ang mga dayuhan:
-tinatayang limang British citizens
-isang Portuguese citizen at anim na Indian nationals
-dalawang engineer mula Turkey
-dalawang Chinese national
-dalawang Australian
-isang taga-Netherlands
-isa mula sa Japan
(CNA/BBC)