Hangad umano ni Pope Francis na huwag gawing basehan ng mga mananampalataya ang Linggo ng Pagkabuhay para takasan ang mahirap na sitwasyon sa gitna ng hindi pa rin natatapos na coronavirus pandemic sa buong mundo.
Bahagi ito ng pahayag ng 84-year-old pontiff sa kanyang tradisyunal na “Urbi et Orbi” (to the city and the world) bilang kanyang mensahe sa muling pagkabuhay ni Hesus.
Tulad noong nakaraang taon, ibinahagi nito ang kanyang Easter message sa loob lamang ng St. Peter’s Basilica bilang pag-iingat sa deadly virus.
Ayon sa Santo Papa, may rason pa rin na magdiwang ngayong Easter Sunday para sa tunay na pag-asa kung saan hindi madidismaya ang mga Katoliko dahil buhay na muli mula sa kamatayan ang Diyos.
Kabilang pa sa mga nabanggit ng Mahal na Papa ay ang social at economic crisis na kadalasan ang apektado ay mga mahihirap, gayundin ang aniya’y “scandalous” fact na mas lumalakas pa ang karahasan sa ilang bansa gaya sa Myanmar at Africa.
“I urge the entire international community, in a spirit of global responsibility, to commit to overcoming delays in the distribution of vaccines and to facilitate their distribution, especially in the poorest countries,” saad pa nito patungkol pa rin sa pandemya.
Una na itong nagdaos ng misa sa Altar of the Chair kasama ang maliit lamang na congregation na pawang nakasuot ng face mask.