Naging kapana-panabik ang unang bakbakan sa pagitan ng Eastern conference defending Champion Boston Celtics at 2020 Eastern Conference Champion na Miami Heat, para sa Game 1 ng 2023 Eastern Conference Finals.
Nagtapos ang laro sa score na 123 – 116 pabor sa Heat.
Sa unang kalahating bahagi ng laro, hawak pa ng Boston Celtics ang kalamangan na siyam na puntos. Gayonpaman, sa pagpasok ng 3rd quarter, nagbuhos ang Miami Heat ng 46 big points habang nalimitahan lamang sa 25 points ang Boston.
Dahil dito, hawak ng Miami ang 12-point lead sa pagpasok ng 4th quarter. Pinilit naman ng Boston na makalapit sa Heat hanggang sa umabot lamang sa tatlong puntos ang kalamangan ngunit sa pamamagitan ng magandang play ni Jimmy Butler ay nagawa muli nilang makalayo mula sa kalaban.
Dinala ni Heat star Jimmy Butler ang kanyang koponasn sa kanyang 35 points 7 assists performace habang 20 points, 8 rebounds, at 5 assists naman ang naging ambag ni Bam Adebayo.
Anim na players ng Miami ang kumamada ng double-digit scores, kung saan pinakamababa dito ay 15 points.
Para sa Boston, 30 points, 7 rebounds ang naging ambag ni Jayson Tatum, habang 22 points at 9 rebounds mula kay Jalen Brown, sa kanilang pagkatalo.
Gaganapin naman sa araw ng Sabado, Mayo 20 ang Game 2 sa pagitan ng dalawa at ito ay sa homecourt pa rin ng Boston. (Bombo Genesis Racho)