-- Advertisements --

Nilinaw ng dalawang opisyal ng pamahalaan na walang ebidensya laban kay  Opposition Senator  Leila M. de lima batay na rin  sa kanilang ginawang  imbestigasyon sa pagharap nila sa Muntinlupa  Regional  Trial Court  (RTC) Branch 205.

Sa testimonya mula kay Artemio Baculi Jr., imbestigador ng Anti-Money Laundering Council  (AMLC)  at ni Philippine  Drug Enforcement  Agency  (PDEA) Forensic Examiner  Krystal Caseñas,  walang koneksyon o transaksyon si De Lima sa mga  drug convicts na nasa loob ng New BIlibid  Prison  (NBP).
Sa pamamagitan ng teleconferencing sa PNP Custodial Center, dumalo si De Lima sa pagdinig sa Criminal Case No. 17-165 at 17-166, na siyang mga kasong isinampa sa kanya sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205 nitong nakalipas na Byernes.

“Ipinresenta si Artemio Baculi ng AMLC sa Criminal Case No. 165, at ang sabi niya, kahit naririnig niya sa mga usapan ang pangalan ni Senator De Lima, eh hindi niya kailanman inimbestigahan ang Senadora,”  ayon kay Atty  Boni Tacardon, isa sa mga abugado ni De Lima.

“Pinatotohanan niya na walang transaction sa pagitan nina Peter Co, Ronnie Dayan na kapwa akusado sa kasong ito, pati na rin kay Senator De Lima,” dagdag pa ni Tacardon.

Unang sumalang si Baculi sa Muntinlupa RTC Branch 205 noong Setyembre 25 sa Criminal Case No. 17-166, kung saan ibinahagi niyang sa imbestigasyong ginawa niya sa mga pinagsususpetsahang sangkot sa ilegal na transaksyon ng droga sa Bilibid, wala umanong perang napunta mula sa mga bank accounts na kanyang sinusuri papunta kina De Lima at kapwa akusado nitong si Jose Adrian Dera.

Ayon pa kay Tacardon, napakahalagang impormasyon din ang ibinigay ni Caseñas sa kanyang testimonya.
“Sa Criminal Case No. 166, pinresenta ng prosecution si Kristal Caseñas.

Napaka-importante ng sinabi niya kanina, napaamin kasi natin sya sa aming pagtatanong, na dun sa cellphone extraction report na inilabas ng PDEA sa pamamagitan ni Caseñas, walang nakalagay na may transaction si Dera at si Senadora De Lima na may kinalaman sa kalakaran ng ilegal na droga,” paliwanag ni Tacardon.

Saad ni Tacardon: “Sa hawak nilang mga cellphone na sinasabing pagmamay-ari ng mga drug lords, wala kung saanman doon na nakalagay na si Senadora De Lima ay naging parte ng isang drug transaction. Yun ang naging crucial kanina, lalo na sariling mga testigo ng prosecution yung mga nandoon.”


Hindi rin umano tinanggap sa Korte ang salaysay ni Caseñas na nagpapahiwatig na si Peter Co ang may-ari ng mga siniyasat niyang cellphone galing sa Bureau of Corrections sa kadahilanang opinyon lang daw niya ito at wala siyang sapat na basehan.

Punto pa ni Tacardon, maaring nalabag pa ni Caseñas ang Cybercrime Law nang suriin niya ang mga cellphone nang walang kaukulang pahintulot.

“Lumalabas na unauthorized examination ang ginawa sa mobile phones na sinasabing pagmamay-ari ni Peter Co dahil hindi sila kumuha ng cyber warrant na hinihingi sa ilalim ng RA 10175 o yung Cybercrime Prevention Act,” wika ng abogado ni De Lima.

Ayon kay Tacardon, kapag hindi umano kumuha ng cyber warrant, hindi magiging katanggap-tanggap ang anumang resulta ng imbestigasyon at maaari pang maharap ang nagsuri sa kasong kriminal at administratibo.

Naghain ang kampo ni De Lima ng dalawang magkahiwalay na Motion for Bail sa mga kasong isinampa laban sa kanya kung saan iginigiit ng Senadora ang kawalan ng matibay na ebidensya ng prosekusyon.

Sa mga oras na ito, hindi pa naglalabas ng desisyon si Judge Liezel Aquiatan na siyang may hawak sa mga kaso.