-- Advertisements --

Hinihintay pa ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ang actuarial study na isinasagawa ng Social Security System (SSS) kaugnay sa mungkahi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na taasan ang compensation benefits ng mga manggagawa sa P50,000 mula sa dating P10,000.

Ayon kay ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis, humiling na sila sa SSS na magsagawa ng pag-aaral kaugnay sa suhestyon.

Dagdag nito, lahat ng mga benepisyong ibinibigay ng komisyon ay kinakailangang sumailalim sa actuarial study upang mapreserba ang mga pondo.

Sa kabilang dako, iniulat ni Banawis na wala pa sa 1,000 mangagawa ang nag-apply para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) employees compensation benefits.

May tsansa pa rin naman aniya ang mga hindi pa nag-aaply dahil may prescriptive period na tatlong taon ang compensation benefit.