CENTRAL MINDANAO-Bahagi ng pagsisikap ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza na mabigyan ng alternatibong cost efficient at eco-friendly na transportasyon ang mga Cotabateño, isang coordinative meeting ang isinagawa ng Cotabato Provincial Hybrid Electric Road Train (HERT) Task Force katuwang ang Department of Science and Technology (DOST) sa Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City.
Ang naturang pagpupulong ay pinangunahan ni Acting Provincial Planning and Development Coordinator Jonah J. Balanag kung saan kabilang sa tinalakay nito ang estado ng HERT at ang mga gagawing hakbang upang maisakatuparan na ang nasabing proyekto. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod: HERT registration, budgetary requirements, mga empleyado na kailangan para sa operasyon at maintenance nito, at konstruksyon ng loading at unloading stations nito.
Ang HERT na proyekto ng DOST ay nagkakahalaga ng P47 milyon at mayroong kapasidad na 240 seater. Ito ay nakatakdang ibigay sa pamahalaang panlalawigan ng Cotabato kung sa sandaling ang lahat ng mga dokumentong kinakailangan nito ay makompleto na.
Dumalo sa pagpupulong sina DOST Provincial Director Michael T. Mayo, mga representante ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Cotabato Province 2nd at 3rd District, Cotabato Provincial HERT Focal Person Cromwell J. Victoria, Provincial Legal Officer Atty. John Haye C. Deluvio, Provincial Human Resource Management Officer Erlinda B. Catalan, Provincial General Services Officer Jorge V. Silva, Acting Provincial Budget Officer Gaspar I. Llenos, at iba pang mga representante na aktibong tumutulong na maisakatuparan ang nasabing proyekto.