Pahaharapin ng House Committee on Dangerous Drugs sa susunod nitong pagdinig kaugnay ng P3 billion halaga ng shabu na nakumpiska ng otoridad sa Pampanga si Michael Yang, na naging presidential economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo.
Ayon sa chairperson ng komite na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lumalabas sa imbestigasyon na ang Empire 999, ang kompanyang may-ari ng warehouse kung saan itinago ang nakumpiskang droga ay pagma-may-ari ng mga Chinese national na mayroon din iba pang maliliit na kompanya kasama ang ilang personalidad na nasangkot din sa anomalya noong nakaraang administrasyon.
Isa na rito si Lincoln Ong, na nagsilbing interpreter ni Michael Yang sa mga imbestigasyon ng Pharmally scandal.
Lumabas sa pinakahuling pagdinig nitong Mayo 8 na isa si Ong sa incorporator ng mga kompanyang may kaugnayan sa Empire 999.
Sa presentasyon ni Public Accounts Chairman Joseph “Caraps” Paduano, lumalabas na may kaugnayan si Michael Yang kay Lincol Ong.
Upang malinawan ang kaugnayan ng dalawa, nag-mosyon si Public Order Chairman Dan Fernandez na padaluhin si Yang sa susunod na pagdinig.
Matatandaan na nasungkit ng Pharmally ang bilyong pisong halaga ng kontrata ng PS DBM, na noon ay pinamumunuan ni Christopher Lao, para sa pagbili ng medical supply noong panahon ng pandemiya.
Sa kabila ng kawalan ng kakayanang pinansyal, sinabi ni Lincoln Ong na nabili ang mga suplay dahil binayaran ito ni Michael Yang.
Nito lamang nakaraang linggo ay kinasuhan ng Ombudsman ang isa pang mataas na opisyal ng Pharmally at malapit na kaibigan ni Michael Yang kaugnay sa kaso sa Pharmally.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Kamara na karamihan sa mga incorporators ng mga kompanya ay mga Chinese national na nakakuha ng pekeng dokumento upang palabasin na sila ay Pilipino.
Kaya mula sa usapin ng droga ay naungkat na rin ang banta sa pambansang seguridad dahil nakakabili ng mga ari-arian ang mga indibidwal na ito gamit ang pekeng mga dokumento.