Nakatakdang bigyan ng briefing ng mga economic managers ang House of Representatives hinggil sa 2024 national budget at ang macro-economic assumptions na pinagbatayan ng panukalang 2024 spending program.
Sisimulan na kasi ng Kamara de Representantes bukas Huwebes, August 10,2023 ang pormal na pagtalakay sa panukalang P5.678-trilyong national budget ng Marcos Jr., administration para sa susunod na taon.
Unang sasalang sa deliberasyon ang economic team ng administrasyon na binubuo ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Ito ay kinabibilangan nina Budget Sec. Amenah Pangandaman, Finance Secretary Benjamin Diokno, National Economic and Development Authority Director General Arsenio Balisacan, at Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Eli Remolona.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez nais nilang malaman mula sa economic managers kung paano magtutuloy-tuloy ang paglago ng ating ekonomiya at paano ito mararamdaman ng mga Pilipino.
Inihayag ni Romualdez na hindi nararamdaman ng mga ordinaryong Pilipino ang benepisyo ng malakas na ekonomiya at tanging pinakikinabangan lamang umano ito ng mga mayayaman at malalaking kompanya.
Binigyang-diin ni Romualdez na nais ng mga miyembro ng Kongreso na madagdagan ang pondo para sa mga serbisyo at pro-poor na programa.
Muli ring siniguro ni Speaker na bubusisiin ng Kamara ang pagpapatupad sa bagong lagdang Agrarian Emancipation Law at ang pondo na inilaan dito.
Sinabi ni Romualdez na ang mga benepisyaryo ng bagong batas ay nagsasaka ng mahigit 1 milyong lupang sakahan na karamihan ay tinataniman ng palay.