-- Advertisements --

Pinawi ng Malacañang ang pangambang epekto sa ekonomiya ng patuloy na paggamit ng re-enacted budget lalo kung totohanin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bantang pag-veto sa buong 2019 national budget.

Magugunitang nagbanta si Pangulong Duterte na ibabasura ang 2019 General Appropriations Bill (GAB) kung may makitang iligal o iregularidad sa panukalang budget.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, may nakahandang contingency measures ang mga economic managers para matugunan ang anumang negatibong epekto ng re-enacted budget sa ekonomiya.

Ayon kay Sec. Panelo, bagama’t gustong-gusto na nilang maipatupad ang mga proyekto at polisiyang nakapaloob sa 2019 national budget na pakikinabangan ng mga Pilipino, committed naman ang administrasyon sa pagpapairal ng rule of law.

Iginiit ni Sec. Panelo na nag-iingat lamang si Pangulong Duterte at ayaw nitong lumagda ng isang iligal na dokumento kaya nais nitong mabusisi ng maayos ang budget bill.

“As to the possible repercussion on the economy of a re-enacted budget, our economic managers have contingency plans prepared, responsive to any conceivable event, and they will correspondingly adjust their targets, which include the execution of programs and projects relating to infrastructure as well as the delivery of basic services to the people,” ani Sec. Panelo.