-- Advertisements --

Kumpiyansa ang economic managers ng Marcos administration na makakabangon ang ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2025.

Sa isang statement, sinabi ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto na bagamat mababa sa target ng gobyerno ang paglago ng ekonomiya noong 2024, patuloy aniyang namayagpag bilang isa sa fastest-growing economies ang PH sa ASEAN at sa buong mundo.

Ito ay sa kabila aniya ng mga panlabas at panloob na hamon gaya ng malubhang mga kalamidad o bagyo na tumama sa bansa, geopolitical tensions at subdued global demand.

Ayon pa sa DOF, napanatili ng ekonomiya ng Pilipinas ang matatag na gross domestic product (GDP) growth na 5.6% noong 2024, na ikalawa sa pinakamabilis na paglago sa ASEAN sa kabila pa ng maraming mga hamon.

Noong nakalipas na taon aniya, ang mga serbisyo at industriya ang pangunahing nag-ambag sa paglago ng ekonomiya na lumawig pa sa 6.7% at 5.6%.

Kayat nakikita aniya ngayong taon na mapapalakas pa ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng mas mababang inflation at mas mataas na pagkonsumo at mga pamumuhunan.

Inihayag naman ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na nakaapekto ng malaki sa ekonomiya ang 6 na magkakasunod na bagyong tumama sa bansa noong huling kwarter ng 2024.

Subalit nagawa pa rin aniyang maabot ang 5.6% noong 2024 na nagpapakita na gumagana ang mga formula ng pamahalaan para sa economic growth.