-- Advertisements --
image 266

Iminungkahi ni Senador Alan Peter Cayetano sa gobyerno na huwag madaliin ang pagkakaroon ng Maharlika Investment Fund (MIF) at sa halip ay hikayatin muna ang mga government financial institutions na sila mismo ang mag-invest at humawak sa kani-kanilang investment fund.

Ang MIF ay isang sovereign wealth fund na inihain at inaprubahan ng House of Representatives. Sinertipikahan din itong urgent ng Malakanyang.

Sakaling maging batas, ang pondo nito na manggagaling sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Landbank of the Philippines (LBP), at Development Bank of the Philippines (DBP) ay gagamitin bilang pamuhunan ng gobyerno sa mga bond, foreign currency, commercial real estate, at iba pang real asset.

Ayon sa mga nagtutulak ng MIF, ang kikitain nito ay gagamiting pondo para sa mga prayoridad na programa ng gobyerno.

Pero para kay Cayetano, masyado pang maaga para sa MIF sa dami ng mga pagdududa, kritisismo, at mga gagastusin para buuin ito.

Sa halip, iminungkahi ng Senador na hayaan muna ang mga government financial institutions na sila muna mismo ang mag-invest gamit ang sarili nilang pondo.

Aniya, pwedeng hikayatin ng gobyerno ang SSS, GSIS, at iba pang ahensya na magkaroon ng board membership sa mga proyektong imprastraktura tulad ng Skyway at tren na nasa ilalim ng public-private partnership (PPP) na kontrata.

Mas mainam aniya ito dahil “tiwala na ang tao sa SSS, GSIS, Pag-Ibig, at subok na.” Kapag naging maganda ang takbo nito pagkatapos ng dalawa o tatlong taon ay saka aniya bumuo ng panibagong korporasyon ang gobyerno para sa MIF.

Sa gitna ng mga pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, marami sa mga mambabatas – kabilang si Cayetano – at iba’t ibang mga grupo ang tumutol sa panukalang sovereign wealth fund dahil mas marami pang isyu sa bansa na dapat anilang pagtuunan ng pansin ng gobyerno.

Sa kabila nito, sinabi ni Cayetano na pinakikinggan niya ang dalawang panig.

Kung matatandaan, una nang sinabon ng sermon ni Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel III ang mga representative ng pamahalaan na dumalo sa pagdinig ng Senate Committee on Banks ukol sa Isinusulong na Maharlika Investment Fund.

Lumabas kasi sa pagdinig na hindi handa at walang maipresenta na business plan ang mga opisyal na dumalo mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Finance, National Treasury at iba pang ahensya ng gobyerno partikular na sa investment na paglalaanan ng puhunan sa panukalang MIF.

Sinabi ni Pimentel na sayang lang ang oras ng kanyang pagdalo sa naturang hearing na dapat sana ay inilaan na lamang sa pag-aaral sa mga mahalagang panukalang batas.