-- Advertisements --

Naniniwala si House Ways and Means Chair at Albay Representative Joey Salceda na ang economic rights ng Pilipinas sa bahagi ng West Philippine Sea ay isang national defense and security issue.

Ayon sa ekonomistang mambabatas na kapag hindi natin ito magagamit ibig sabihin may mabigat na problema.

Ang pahayag ni Salceda ay bunsod sa mga naging reklamo ng ating mga kababayang mangingisda na patuloy silang ginigipit ng mga barko China kapag sila ay nangingisda sa tinaguriang disputed island.

Dahil dito apektado ang hanapbuhay ng mga Pilipinong mangingisda.

Sinabi ni Salceda na ang tanging magagawa kaagad ng gobyerno ay mapanatili ang tulong sa mga apektadong mangingisda at palakasin ang kakayahan sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea.

Suportado din ng mambabatas ang pagbibigay ng mga pangunahing kagamitan sa komunikasyon sa dagat para sa mga mangingisda sa lugar na siyang magbibigay-daan sa kanila na makarating sa PCG para sa agarang tulong.

Inihayag ng mambabatas na kailangan natin maging evidence-based lalo na ang mga reklamo ng mga mangingisda.

Ayon kay Salceda makakatulong ang mga nasabing ebidensiya para bumuo ng isang malakas na kaso para sa anumang diplomatic o defensive action.

Batay kasi sa datos ng Philippine Coast Guard, bumaba na ang bilang ng mga Chinese vessel na umaaligid sa nasabing karagatan.