-- Advertisements --

MANILA – Pina-iimbestigahan na ng Department of Energy (DOE) ang posibleng “economic sabotage” ng mga kompanya ng kuryente na nag-resulta sa negatibong suply ng enerhiya sa Luzon.

Ayon kay Energy Usec. Felix William Fuentebella, hindi naman nagkulang ang ahensya sa pagpapa-alala sa mga kompanya kaugnay ng mga dapat ihanda sa panahon ng tag-init.

“Hinahanap natin yung level of reserve. Ibig sabihin, kung magkakaroon ng sira ang planta, nasaan yung mga kapalit?”

“Our lawyers in the department is exploring that and we are in the process of gathering pieces of evidence.”

Hindi ito ang unang beses na nalagay sa alanganin ang supply ng kuryente sa Luzon.

Kaya naman niluwagan daw ng ahensya ang polisiya sa “contracting” o paghahanap ng mga kompanya ng pwedeng makuhanan ng reserbang kuryente.

“Ito ay dapat nandyan para laging handa ang ating system, na may pumalyang planta, may papalit.”

Pinasisiguro rin daw ng kagawaran sa distribution utilities na maayos ang sistema at protektado, lalo na’t kailangan ng maaasahang reserba ng kuryente para sa mga ospital.

Ayon kay Fuentebella, may inilabas nang circular ang DOE noon na nagbabawal sa mga kompanya na mag-schedule ng preventive maintenance tuwing ikalawang quarter ng taon.

“Bakit bawal ‘yon? Dahil marami ang demand.”

Inaatasan din ng ahensya ang mga kompanya na mag-sumite ng preventive maintenance schedule sa National Grid Corporatio of the Philippines, na dapat din ipasa sa DOE.

“Nandyaan (din) ba yung required ancillary services na sinisiguro nating may reserba?”

Inakyat na ng ahensya sa Energy Regulatory Commission, Philippine Competition Commission, at Department of Justice ang sitwasyon para masilip ang mga kompanya ng kuryente.

Hindi naman kumbinsido si Fuentebella sa posibilidad na nagsasabwatan ang mga kompanya para mapataas ang singil sa kuryente.

“Maiiwasan na yon kasi wala silang kikitain… hindi tataas ang presyo, hanggang P6.25-per kilowatt hour. Andoon ang presyo at controlled.”

“Pero kung patuloy ang hindi pag-comply, wala tayong magagawa but to impose the discipline that is necessary because consumers are suffering.”