-- Advertisements --

Isinusulong ni House Ways and Means Chair at Albay Representative Joey Salceda na ipagbawal na ang tax racketeering at gawin na itong isang non-bailable offense.

Dahil dito, naghain ng panukalang batas si Representative Salceda, ito ang House Bill (HB) No.7653, or the proposed Act defining the crime of tax racketeering.

Layon ng panukalang-batas, idagdag ang Seksyon 157-A sa National Internal Revenue Code, as ammended.

Sa isinusulong na panukala ni Salceda, nais nitong tukuyin ang pagkakasala ng tax racketeering bilang anumang pamamaraan o operasyon na pag iwas sa anumang buwis na ipinataw sa ilalim ng Tax Code sa pamamagitan ng mapanlinlang na paggamit ng mga resibo, returns, at iba pang mga rekord, na may minimum na halaga na P10 milyon in taxes na sinubukang iwasan.

Inilarawan pa ni Salceda ang nasabing “scheme” na ito ay mapanlinlang dahil umiiwas ang mga ito na magbayad ng tamang buwis sa pamahalaan.

Sabi pa ng economist-solon, batay sa pagtantiya ng tax authorties aabot sa P100 bilyon na kita ang iniiwasan dahil sa padding ng mga pagbabawas at input tax credits sa pamamagitan ng sistematiko at mapanlinlang na paggamit ng mga pekeng resibo at iba pang mga rekord.

Binanggit ni Salceda na ang krimen ng pag-iwas sa buwis ay pinarurusahan sa ilalim ng Tax Code, hindi nito tinukoy ang sistematiko at koordinadong pag-iwas sa mga buwis na sa bawat mahahalagang paraan ay pang-ekonomiyang sabotahe.

Dagdag pa ni Salceda, batay sa doktrina ang buwis ay ang buhay ng Estado.

“Schemes such as these should be distinguished from the usual attempt to evade taxes precisely because they constitute a systematic attempt to dismantle the credibility of the entire tax system, and could not be committed without networks of accomplices across the business sector and among tax authorities,” pahayag pa ni Salceda.

Tinukoy din ng panukalang batas ang pagiging isang prinsipal sa naturang pagkakasala bilang non-bailable, at napapailalim sa 17 hanggang 20 taon na pagkabilanggo.

Ang mga nagbabayad ng buwis na nakikinabang sa tax racketeering, kabilang ang mga bumili ng mga pekeng resibo, ay dapat parusahan bilang mga accessory sa ilalim ng panukala.

Habang ang mga pampublikong opisyal na nangangasiwa sa mga naturang aktibidad ay kakasuhan bilang kasabwat at parusahan ng walang hanggang pagkawala ng karapatan sa pampublikong tungkulin.

“The stiffer penalties aim to be a deterrent to the commission of such crimes, as well as a tool for tax authorities to be able to prosecute such offenses in a manner distinct from usual tax evasion,” wika ni Rep. Salceda.