Naniniwala si House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na bumubuti na ang sitwasyon ng bigas sa bansa.
Ito’y sa kabila ng naitalang inflation na 2.9 percent nitong Disyembre ng taong 2024.
Ayon kay Salceda, bumaba na ang presyo ng bigas ng 0.7 percent month-on-month at ang year-on-year ay 0.9 percent na nangangahulugang hindi na ramdam ang staple food sa consumer prices.
Inihayag ng kongresista na ang magandang senyales na ito ay dulot ng mga ipinatupad na hakbang ng liderato ng Kamara bilang tugon sa mga pagdinig ng Murang Pagkain Super Committee o Quinta Committee.
Nitong Disyembre ay inatasan aniya ni Speaker Martin Romualdez ang major rice industry players sa Central Luzon na ibaba ang presyo ng bigas.
Inaasahan din umano na Lalo pa itong bababa ngayong buwan at sa Pebrero.
Dagdag pa nito, ang nananatiling problema ay ang mais kung saan 5 percent ang inflation year-on-year.
Samantala, kinumpirma ni Salceda na sa susunod na pagdinig ng Quinta Committee ay tatalakayin nila ang mais at karne at hihimukin ang Department of Agriculture na ituloy ang panukalang deklarasyon ng rice price emergency.