Tinawag ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na counterproductive at maaring makaapekto sa ekonomiya ang panukalang dagdag na P200 across-the board sa arawang sahod ng mga trabahador ng pribadong sektor.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luiz Jr, na maganda itong mapakinggan sa katotohanan pero ilan lamang ang mabebenepisyuhan nito.
Maraming mga manggagawa aniya ngayon ay nasa informal sector.
Mahigit sa kalahating mga negosyante sa bansa ay nasa micro and small enterprises kaya mahirap sa kanila ang pag-implementa ng dagdag na P200 sa arawang sahod sa mga manggagawa nila.
Magreresulta lamang ito sa pagtaas ng presyo ng mga produkto ng mga negosyante o mas mabigat ay ang pagbabawas nila ng mga tauhan.
Ang maganda na lamang dito ay ipaubaya ang desisyon sa mga regional wage board kung saan binubuo ito ng gobyerno, employers at mga manggagawa.
Magugunitang inaprubahan na ng House Committee on Labor and Employment ang panukalang P200 across-the-board increase sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.