-- Advertisements --

Nagpahayag ngayon ng pagkadismaya ang isang environmental watchdog sa napipintong pagtatapos ng panahon ng halalan.

Ito matapos na tumambad ang tambak na basurang mga election paraphernalia, sample ballots, campaign posters, at iba na pangunahing ginamit noong panahon ng kampanya at eleksyon.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni EcoWaste Coalition national coordinator Aileen Lucero na ang ganitong sitwasyon ay pare-parehas sa iba’t-ibang mga polling precinct sa buong bansa.

Nagmistulang banderitas sa piyesta kasi aniya ang paligid nang dahil sa mga nakasabit na election paraphernalia at naglipanang mga sample ballots sa kalsada.

Ayon kay Lucero, maituturing nang paglabag sa batas ang naturang mga gawain.

Sa kabila kasi ng mga naging paalala ng coalition sa Comelec at taumbayan na huwag nang hikayatin pa ang paggamit ng mga sample ballots ay marami pa ring mga indibidwal ang namamahagi nito maging sa mismong araw ng eleksyon na talaga namang ipinagbabawal ng komisyon.

Para sa EcoWaste Coalition, ang ganitong mga gawain ay napaka-iresponsable hindi lamang sa panig ng mga tagasuporta ng isang kandidato na namamahagi ng nasabing mga paraphernalia, dahil lahat aniya ng sektor mula sa mga kandidato hanggang sa mga botante ay may pananagutan dito.

Samantala, una rito ay nagbabala at nanawagan si Comelec Commissioner Rey Bulay sa lahat ng mga kumandidato na tulungan ang local government unit at MMDA na magligpit ng lahat ng kalat na naiwan sa nagdaan na eleksyon.