Pinagdudahan ng EcoWaste Coalition ang adhikaing makamit ng Metropolitan Manila Development Authority ang programa nitong ‘Clean Metro Manila’.
Ayon kasi sa koalisyon, kulang pa rin ang isinasagawang pagpapatupad ng batas partikular sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Sa kabila ng umiiral na mga programa ng MMDA, sinabi ni Aileen Lucero, ang national coordinator ng EcoWaste coalition na hindi umano magiging madali na gawing malinis mula sa basura ang buong kalakhang Maynila.
‘Sa gitna ng mga umiiral na programa ng MMDA at ng mga LGU’s, nakita natin na parang kulang sa epektibong pagpapatupad ng RA 9003 o yung Ecological Solid Waste Management Act na dalawang dekada at apat na taon na matapos itong pirmahan,’ ani Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition.
Kaya naman, iminungkahi niya na mas paigtingan pa ang pagbabawal sa pagtatambak ng mga basura maging na rin ang mas mahigpit na implementasyon ng naturang batas.
Ngunit nilinaw niya na patuloy pa rin silang makikipag-ugnayan sa gobyerno upang makamit ang layuning malabanan ang problemang ito.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Undersecretary Procopio G. Lipana ng Metropolitan Manila Development Authority na hindi literal na kayang mawala ang lahat ng basura sa Metro Manila.
Aniya, imposible umano ito sapagkat hindi napapahinto ang patuloy na pag-generate sa mga basurang nakokolekta at naitatala.