-- Advertisements --

Pinakiusapan ng EcoWaste Coalition ang mga debotong makikilahok sa Traslacion 2025 na iwasan ang pagkakalat ng mga basura sa araw ng selebrasyon.

Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Aileen Lucero, ang national coordinator ng naturang koalisyon, ibinahagi niyang malaki ang nakolektang basura noong 2023 na higit pang dumami nitong 2024.

Dahil dito, pinaalalahanan niya ang mga deboto ng Hesus Nazareno na huwag gumamit ng mga styro at plastik na kadalasang sanhi ng mga nagkalat na basura.

Kasabay din nito ang kanyang pakiusap sa mga vendors na magtitinda sa mismong araw ng Traslacion na maging masinop sa mga ibinebenta nila.

Balak naman ng EcoWaste Coalition na maagang simulan ang kanilang pagmomonitor sa mga basurang makokolekta ngayong darating na Lunes, Enero 6.

Sa huli, ibinahagi ng national coordinator ng koalisyon na ang tunay na pagmamahal at debosyon sa Hesus Nazareno ay makikita din sa pangangalaga ng ating kalikasan at ng kapaligiran.