-- Advertisements --

Hinihimok ng grupong Ecowaste Coalition ang mga Pilipino na iwasan na lamang ang paggamit ng mga paputok ngayong holiday season.

Ginawa ng naturang grupo ang apela kasabay ng paglulunsad sa ‘Iwas Paputok’ campaign para sa ligtas at mapayapang selebrasyon ng pasko at bagong taon.

Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition, maaaring ipagdiwang na lamang ang holiday ng hindi gumagamit ng mga tradisyunal na paputok o mga nakaugaling pagpapaputok.

Maliban kasi sa mas ligtas ang ganitong paraan ay napoprotektahan pa aniya ang mga kapamilya mula sa epekto ng mga firecrackers, habang napapanatili rin ang kaligtasan ng kapaligiran at ng buong komunidad mula sa anumang negatibong epekto nito, katulad ng sunog.

Maalalang maging si Department of Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos Jr ay nananawagan na rin sa mga lokal na pamahalaan na suportahan ang total firecracker ban, upang matiyak na ligtas ang pagdiriwang ng pasko at pagsalubong sa bagong taon.

Kahapon, iniulat na rin ng Department of Health(DOH) na umabot na sa apat na indibidwal ang naitala nitong nasugatan dahil sa mga paputok.

Lumalabas sa report ng ahensiya na ang mga iligal na paputok ang ginamit ng mga biktima, tulad ng boga, at picolo.