Nababahala ang grupo ng EcoWaste Coalition dahil sa talamak na pagbebenta ng mga lucky charms bracelet na lubha umanong mapanganib sa kalusugan ng tao dahil sa nakitaan ito ng mataas na cadmium content.
Dahil sa malapit na ang Chinese New Year uso nanaman ang pagbebenta nito sa mga tindahan sa Maynila na may mga iba’t-ibang uri ng lucky charms kung saan ang nakitang kemikal ay isang nakakalason na metal na maaaring malanghap o dumikat sa balat na puwedeng magdulot ng problema sa paghinga at pagkasira ng kidney.
Humiling naman ang grupo sa pamahalaan na maglagay ng mga regulation hinggil sa pagbebenta at produksyon ng mga ito upang maprotektahan aniya ang kalusugan ng publiko at ng kalikasan.
Ayon pa sa EcoWaste na ang Cadmium ay isa sa 10 listahan na chemical na itinuturing umanong malaking problema sa kalusugan ng World Health Organization (WHO).
Samantala ang naturang sample na isinagawa ng EcoWaste ay nanggaling daw sa Quiapo, Manila kung saan bumili ang grupo ng 25 bracelet upang suriin at 18 nga dito ay nakitaan ng hindi bababa sa 10 percent na cadmium content ang nakalagay o katumbas ng 100,000 parts per million (ppm), gamit ang X-Ray Fluorescence (XRF) spectrometer.
Labag umano ito sa itinakdang bilang ng European Union para sa cadmium content na mayroon lamang ang isang alahas, na dapat daw mayroon lamang na 0.01 percent cadmium ang bawat alahas na ibinebenta sa merkado.
Samantala, pito naman sa mga bracelet na kasama sa mga sinuri ng EcoWaste ay nag negative sa naturang chemical.
Binalaan naman ng grupo ang publiko na kung bibili ng mga naturang lucky charms siguraduhin lang umano na ito ay na-test, may certification at may labeled na cadmium-safe.