Pinuna ng Ecowaste Coalition ang patuloy na paggamit ng mga single-use plastics bilang banderitas sa nalalapit na kapistahan ng Sto. Nino sa darating na linggo.
Sa isinagawang pag-iikot ng environmental watchdog sa Maynila, napansin nilang hindi nakikiisa ang ilang komunidad sa panawagan nilang huwag ng gumamit ng plastik pang dekorasyon.
Dahil dito, ibinahagi ni Aileen Lucero, ang national coordinator ng EcoWaste coalition, dismayado sila nang matuklasan nilang plastik labo pa ang mga ginamit na banderitas sa bahagi ng Sto. Nino de Pandacan at Tondo, Divisoria.
Ang ‘plastik labo’ kasi ay ang siyang kadalasang nilalagay sa mga kalsada na dekorasyon tuwing may pista sa lugar.
Ito ay makikita ding ginagamit sa palengke at mabibili pa sa iba’t ibang mga kulay.
Dagdag niya, ang mga banderitas na gawa sa plastik ay walang halaga at sinabi pang dumidiretso lamang ito direkta sa dump site o basurahan matapos ang selebrasyon.
Kaya naman, hinimok ng naturang national coordinator ng koalisyon na tumulong makiisa sa paggamit at pagsasabuhay ng sustainable lifestyle upang mabasawan ang pagdami pa ng basura.