Kinuwestiyon ng zero-waste advocacy group na EcoWaste coalition ang hindi pagpapatupad ng littering ban sa kasagsagan ng Traslacion 2025.
Ito ay kasunod ng anila’y “out-of-control littering” na nangyayari sa gitna ng taunang selebrasyon ng kapiyestahan ng Poong Hesus Nazareno.
Sa isang statement, sinabi ng grupo na naiwan ang hindi kanais-nais na tambak na basura sa gitna ng selebrasyon na nagbunsod ng exhaustion o pagkapagod ng mga volunteer at waste worker.
Ayon kay zero waste campaigner Ochie Tolentino, bagamat nagpatupad ang mga awtoridad ng striktong gun at liquor ban para matiyak ang kapayapaan at kaayusan, ipinagtataka ng grupo kung bakit hindi ipinagbawal ang pagkakalat na isa aniyang environmental offense na mariing ipinagbabawal sa national at local laws.
Nakakapanghinayang aniya na matunghayan ang hindi restriktong pagbabawal sa pagkakalat ng mga basura sa relihiyosong event sa gitna ng pag-obserba ng Zero Waste Month ngayong Enero at ika-25 anibersaryo ng Ecological Solid Waste Management Act.
Ayon sa koalisyon, ilan sa nahakot na basura ay sleeping materials, food-waste, mga bote na may laman pang ihi, soiled diapers, plastics, mga upos ng sigarilyo at vapes.
Ayon pa sa grupo, hindi pinulot ng mga participant ng Pahalik, Fiesta Misa mayor at magdamag na vigil sa Quirino Grandstand at Parade ground ang kanilang mga basura gayundin sa mga kalsada sa Quiapo.
Kaugnay nito, umapela ang grupo sa mga deboto para sa mas malinis, mas sustainable na selebrasyon na akma sa diwa ng pagpapahalaga sa pananampalataya at sa ating planeta.