-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nais ng lokal na pamahalaan ng Pigcawayan Cotabato na ibalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula sa kasalukuyang Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang bayan ng Pigcawayan.

Ito ang pinag-isang rekomendasyon ng mga opisyal ng bayan ng Pigcawayan sa pangunguna ni Mayor Jean Roquero, pulisya, mga health workers at ibat-ibang sektor ng lokal na pamahalaan.

Dulot ito nang patuloy na paglobo ng bilang ng mga nagpositibo sa Coronavirus Disease (Covid-19).

Ang rekomendasyon ng LGU-Pigcawayan ay isinumite na sa Provincial Inter-Agency Task Force on Covid 19 at kay Cotabato Governor Nancy Catamco.

Bago lang ay pinatupad ang modified lockdown sa isang barangay ng Pigcawayan, North Cotabato dahil sa tatlong kaso ng Covid-19 positive doon.

Sinabi ni Barangay Bulucaon chairperson Mark John Montales na kailangan itong gawin upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Ang hiling lang ni Montales sa kanyang mga ka-barangay ay sumunod sa mga alituntuning ipinatutupad ng local government lalo na ang mga health protocols kontra Covid 19.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng LGU-Pigcawayan ang tugon ng Provincial IATF sa kanilang kahilingan.