CEBU CITY – Tumalima si Cebu City Mayor Edgardo Labella sa naging rekomendasyon ng National Inter-Agency Task Force (IATF) na manatili ang buong lungsod sa enhanced community quarantine (ECQ).
Ito’y matapos na naglabas ng panukala ang National IATF kung saan pinahintulutan nito ang extension ng ECQ sa Cebu City at Mandaue City hanggang sa Mayo 31.
Una nito, pinirmahan ni Labella ang Executive Order No. 77 na naglalaman ng mga patakaran sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Bilang pagsunod, naglabas ng panibagong executive order ang alkalde kung saan ibinalik ang lungsod sa pagiging ECQ.
Ayon kay Labella na ikinatuwa nito ang rekomendasyon ng National IATF upang ipagpatuloy ang kanilang strategic rapid testing at contact tracing sa mga nahawaan ng COVID-19.
Maalalang umapela ang Mandaue City at Cebu City sa IATF ng ECQ extension nang dahil sa tumataas na confirmed cases ng COVID-19.