Dapat umanong magdoble-ingat si Sen. Manny Pacquiao sa nakatakda nitong laban kontra kay WBA “super” welterweight champion Keith Thurman sa darating na Hulyo 21.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino, mapanganib na umano para sa 40-anyos na si Pacquiao ang lumahok pa sa mga boxing bout dahil sa kanyang edad.
Kadalasan kasi aniya sa mga boksingerong aktibo pa rin kahit 35-anyos na pataas ay lantad na sa mga panganib dahil puwede na umanong bumagsak ang katawan nila anumang oras.
Gayunman, bilib din umano si Tolentino sa 8-division world champion dahil sa mas pinipili nitong labanan ang mga hindi gaanong katanyag na boksingero upang manatiling aktibo.
“Hindi na talaga masasabi natin na overwhelming favorite si Pacquiao. Talagang bawat laban na totoo ‘yung sinasabi nila na it will be a risk. Any fighter right now, sa totoo lang, will be a risk for Manny,” wika ni Tolentino.
Matatandaang sinabi noon ni Top Rank CEO Bob Arum na natatakot daw ito na baka dumanas ito ng brain damage si Pacquiao sa pagharap nito sa walang talong si Thurman.
Pero ayon kay Pacquiao, wala raw dapat ipag-alala ang mga fans sa kanyang kondisyon dahil nakadepende raw sa boksingero kung papaano nito alagaan ang kanyang sarili.