Naniniwala si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na isang ‘strategic advantage’ kung ikunsidera ng militar na magtayo ng EDCA base sa kanilang probinsiya.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang kanilang lugar ay isang strategic area kung saan ang probinsiya matatagpuan sa Northeastern tip ng Mindanao na nakaharap sa Pacific Ocean.
Sinabi ni Cong. Barbers na ang malalim na tubig nito ay kayang tumanggap ng malalaking barkong pandagat ng Estados Unidos at may natatanging kalamangan dahil ito ay lantarang nakaharap sa Karagatang Pasipiko ngunit may labasan sa West Philippine Sea.
” It has a distinct advantage as it is openly facing the Pacific Ocean yet has an outlet to the West Philippine Sea. The ships can traverse the country from East to West and vice-versa without needing to circle around. This is a very strategic advantage. Military presence will discourage any hostile activity and even posturing by foreign forces both civilian or otherwise”, pahayag ni Rep. Barbers.
Umapela si Barbers sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at US military na ikonsidera ang kanilang lugar bilang dagdag na EDCA sites sa bansa.
Hiling ni Barbers sa AFP magsagawa ng inspeksyon sa probinsiya para sa posibleng lugar na pagtayuan ng EDCA base.
Naniniwala kasi ang mambabatas na ang pagtatayo ng EDCA base sa isang lugar ay makakatulong sa probinsiya at maging sa buong rehiyon lalo na sa panahon ng kalamidad, dahil agad makakarating ang tulong.
Dagdag pa ni Cong. Barbers, hindi na kailangang sabihin, ang pagtatayo ng isang EDCA site sa Surigao del Norte ay tiyak na magpapasigla sa kaunlaran ng ekonomiya sa rehiyon, kung saan ikatutuwa ng mga tao.
Aniya, ang presensya ng sandatahang lakas at ng mga kaalyado ay lubos na magpapahusay sa mga hakbang sa pagbuo ng kumpiyansa at ang mga mangingisda ay walang dapat ikabahala na itaboy ng mga kaaway na pwersa sa loob ng teritoryo ng bansa.
Giit pa ni Cong. Barbers na welcome sa kanilang probinsiya ang mga Amerikano.
“Best of all, the people will warmly welcome the Americans, our long time friends and allies,” pahayag ni Cong. Barbers.
Samantala, suportado din ni Governor Lyndon Barbers ang hakbang ng kanilang kapatid na mambabatas.
Sinabi ni Gov. Barbers ang kanilang rehiyon ay palaging nakakaranas ng kalamidad.
“Setting up an EDCA base would benefit not only the province but the whole eastern regions of the Visayas and Mindanao. In times of calamities, aid can be delivered fast and wide. Immediate assistance and relief will prevent loss of countless lives and massive damage. Remember that our region is always under threat from nature’s wrath, be it super typhoons or strong earthquakes”, wika ni Gov. Barbers.