LEGAZPI CITY — Nagpahayag din ng suporta ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) sa isinusulong na panukala na gawing National Artist ang yumaong veteran actor na si Eddie Garcia.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Abdon Balde Jr., kinatawan Wikang Bicol sa KWF, na malaki ang naging papel ni “Manoy” sa industriya ng pelikula at telebisyon dahil sa ilang dekada nitong pag-arte.
Bukod dito, isa rin si Garcia sa mga artistang nakatanggap ng maraming award bilang aktor at direktor.
Ipinaliwanag ni Balde na kailangan munang may mag-nominate kay Manoy dahil National Commission for Culture and the Arts at Cultural Center of the Philippines ang magde-desisyon sa nominasyon kung kasali ito sa mga pagpipilian ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aminado ang historian na madalas mabahiran ng pulitika ang National Artist nomations gaya na lang ng mga panawagan para sa isa pang veteran actress na si Nora Aunor.