-- Advertisements --

Hindi pa rin daw maglalabas ng medical bulletin ang Makati Medical Center bilang paggalang sa privacy na hinihingi ng pamilya ng beteranong aktor na si Eddie Garcia.

Kinumpirma ni Dr. Tony Rebosa, tagapagsalita ng pamilya ng aktor, na umabot sa 16 minuto ang pag-revive na kanilang ginawa kay Garcia matapos nitong makaranas ng cardiac arrest.

Pinapayagan ang mga malalapit na kaibigan ni Manoy na dumalaw sa kaniya ngunit dala-dalawa lang ang puwedeng pumasok sa intensive care unit.

Patuloy naman ang paniniwala ni 1-PACMAN Party-list Rep. Michael Ortez, stepson ng aktor, na makakaligtas ang kaniyang stepfather mula sa kalagayan nito.

Una nang nilinaw ng mga doktor na nagtamo si Garcia ng severe neck cervical fracture. Nilagyan na rin umano ito ng traction sa leeg upang mabawasan ang pressure sa kanyang ulo.

Sa ngayon ay kritikal pa rin ang kondisyon ng 90-year-old multi-awarded actor matapos itong isugod sa ospital noong Sabado mula sa taping sa Maynila.