Bagama’t magda-dadalawang linggo nang nasa kritikal ang kondisyon, mayroon na umanong minimal brain activity ang beteranong aktor na si Eddie Garcia.
Ayon sa latest medical bulletin ng kanyang attending physician na si Dr. Regina Macalintal-Canlas, ito’y base sa resulta ng bagong electroencephalogram study na isinagawa sa 90-year-old multi-awarded actor.
Pero nakasaad din sa parehong medical bulletin ngayong araw na nakadepende pa rin si Manoy sa ventilator upang makahinga at sa iba pang medikasyon na kailangan para sa kanyang blood pressure.
Dahil dito ay limitado pa rin ang mga pinapayagang makabisita kay Garcia upang maiwasan ang posibleng komplikasyon.
Una nang pumirma ang pamilya sa do-not-resuscitate (DNR) waiver na nangangahulugang pagpapanatili pa rin sa life-support ni Manoy pero kapag inatake sa puso ay payag sila na huwag na itong i-revive.
Nabatid na napatid sa cable wire ang aktor sa gitna ng taping sa Maynila kung saan napuruhan ang kanyang cervical spine na nauwi sa kanyang pagka-comatose.
Si Eddie ay mayroong partner of 33 years na si Lilibeth Romero, ina ni One Pacman Party-list Rep. Mikee Romero, at sinasabing may anak na nakabase sa California na nagngangalang Lisa Ortega.