Nilinaw ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista nitong araw ng Biyernes, Peb. 7, na walang plano ang gobyerno at ahensya na tanggalin ang EDSA Busway, kundi aniya ipapa-privatize ang operasyon nito upang mapabuti ang mga pasahero na sumasakay dito.
Sa isang pahayag na inilabas ng DOTr, sinabi ng Kalihim na ang EDSA Busway, na tinaguriang ‘isa sa mga pinaka-epektibong pampasaherong sistema sa Metro Manila,’ ay mananatili sa operasyon.
‘Yes, hindi tatanggalin ang EDSA Busway. Nagkaroon lang ng discussion diyan pero hindi siya tatanggalin,’ paglilinaw ni Bautista.
Ang naturang pahayag ay kasunod nang sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes na posibleng tanggalin ang EDSA Busway kapag tumaas na ang kapasidad ng MRT3.
Upang maalis ang pangamba ng publiko, muling ipinaalala ni Bautista na binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangangailangan ng isang epektibong sistema ng pampasaherong transportasyon.
Kung saan sinabi din ng Kalihim na kamakailan lamang ay nakipagpulong siya at ang iba pang miyembro ng Gabinete kay Pangulong Marcos upang talakayin ang Comprehensive Traffic Management Plan (CTMP) para sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Binanggit ni Bautista na ang EDSA Busway ay hindi isang copy mula sa MRT3, dahil ang bus lane ay nagsisilbi sa mga pasahero mula sa Caloocan City hanggang sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), samantalang ang MRT3 ay nagsisilbi lamang mula sa North Avenue sa Quezon City hanggang sa Taft Avenue sa Pasay City.
Dagdag pa niya, pinapayagan na rin ang mga point-to-point (P2P) buses at mga airport express buses na dumaan sa EDSA Busway upang makatulong sa pagbabawas ng pagsisikip ng trapiko sa EDSA.
Samantala ibinahagi naman ni Bautista ang feasibility study para sa privatization ng EDSA Busway na matatapos aniya sa loob ng ilang buwan. Inaasahan nilang maipagkakaloob ito sa katapusan ng 2026.