Binigyang diin ng Department of Transportation ang malaking ambag ng EDSA Busway sa lagay ng public transportation sa bansa partikular na sa Metro Manila.
Ginawa ng ahensya ang naturang pahayag kasunod ng naging rekomendasyon ng Metropolitan Manila Development Authority kay PBBM na alisin na ang EDSA busway.
Ang panukala ay naglalayong mapaluwag ang kasalukuyang lagay ng trapiko sa nasabing daan.
Batay sa datos na inilabas ng DOTr, aabot sa higit 63 milyon na mga pasahero ang nakinabang sa magandang serbisyo nito noong nakalipas na taon.
Sa pagpasok pa lamang ng buwan ng Enero ng taong ito, sumampa na sa mahigit 5.5 milyong pasahero ang gumamit ng EDSA Busway.
Katumbas ito ng daily average na 177,000 na pasahero.
Ayon naman kay Transportation Secretary Jaime Bautista , hihintayin nila ang magiging resulta ng feasibility study na layong maging mahusay ang EDSA Busway.
Magiging katuwang ng gobyerno ang mga pribadong sektor sa mga pagsasagawa ng panukalang EDSA Busway rehabilitation.