LEGAZPI CITY – Nakiisa ang mga negosyante sa Albay sa mga panawagan na tutulan ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng pagbabawal sa mga provincial buses sa EDSA.
Inaasahang ipapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Order Number 19-002 sa darating na Hunyo.
Kinontra ni Albay Chamber of Commerce and Industry (ACCI) president Rose Rey sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi ang hakbang lalo na at may malaking epekto aniya ito sa negosyo, kalakal at turismo sa Bicol.
Direkta rin nitong sinabi na hindi makatarungan ang pasya at magiging dagdag lamang sa gastos para sa malaking populasyon na maaapektuhan.
Hinikayat pa ni Rey ang lokal na pamahalaan at CCI na magpahayag ng pagtutol sa naturang hakbang ng MMDA.
Nakatakda din aniyang magpadala ng sulat sa pagkontra sa hakbang ang CamSur CCI.