-- Advertisements --
General Cruz HPG
HPG director Eliseo Cruz/ FB image

Magsisilbing dagdag puwersa ang mahigit 20 babeng pulis na idedeploy ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa kahabaan ng EDSA.

Ayon kay Police B/Gen Eliseo Cruz, hepe ng HPG, tutulong ang naturang mga policewoman sa 170 HPG personnel na una na nilang ipinakalat para magbantay sa trapiko.

Ang 20 babaeng patrollers ay bahagi ng 48 kababaihang pulis na sumailalim sa 45 araw na pagsasanay at nagtapos ng kurso na may kinalaman sa trapiko.

Kabilang sa mga itinuro sa kanila ay safe riding at kung paano rumesponde sa mga krimen sa kalsada.

Gayunman, hindi puwedeng “maniket” sa mga pasaway na motorista ang mga babaeng HPG.

Naniniwala naman si Cruz na malaking tulong ang “all women traffic supervisor” dahil iba ang “approach” ng mga babae pagdating sa mga motorista.

Sinabi rin ni Cruz na sa pamamagitan nito ay mapo-promote ang pagiging gender equality sa PNP dahil ipinapakita lang nito na kung ano ang kayang gawin ng mga lalaking pulis ay kaya ring gawin ng mga policewoman.

Dagdag pa ng heneral na ilalabas na rin nila sa kalsada ang lahat ng tauhan nilang may ranggong Patrolman at Patrolwoman dahil mandato ng HPG ang pagpapatrolya sa mga highway.

Magiging requirements na rin sa HPG ang pagiging marunong mag-motor at sumailalim sa HPG riding course.